Walang intensiyon si Vice President Sara Duterte na magbitiw sa kaniyang puwesto sa kabila ng mga ulat na umano’y may sapat nang bilang ng mga senador na pabor na hatulan siyang guilty sa impeachment trial.
Sa panayam sa Senado, sinabi ni Spokesperson Paolo Panelo na mananatili sa puwesto ang Bise Presidente dahil naniniwala itong wala siyang kasalanan sa mga paratang laban sa kaniya.
Samantala, tinawag ni Senator Risa Hontiveros na premature o maaga pa ang mga ulat tungkol sa umano’y napagpasyahan nang hatol ng mga senador. Hindi rin kinumpirma ni Panelo kung dadalo si Duterte sa impeachment trial bilang manonood o testigo.
Sa paglalahad naman ng depensa, iniharap si Davao City Assessor Jaime Adalin upang pabulaanan ang alegasyon ng prosekusyon na may mga ari-ariang hindi isinama sa SALN ng Bise Presidente at ng kaniyang asawang si Manases Carpio.
Ayon kay Adalin, iisa lamang ang tinutukoy na ari-arian sa Barangay 74-A at Barangay Matina Crossing sa Davao City, batay sa Republic Act 454 na inilabas noong 1965.
Iginiit naman ng abogado ng depensa na si Lindon Miguel Bacquel na walang sapat na batayan ang alegasyon ng prosekusyon hinggil sa hindi deklaradong ari-arian.
Matatandaang kinuwestiyon ng prosekusyon ang hindi umano pagdedeklara sa dalawang lupain sa Davao City at Island Garden City of Samal na nagkakahalaga ng P6 milyon at P3.45 milyon, na iniuugnay sa mga alegasyon ng unexplained wealth at maling deklarasyon sa SALN.













