Umabot na sa 17 katao ang nasawi dahil sa epekto ng Bagyong Inday at southwest monsoon o habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Batay sa inisyal na datos, 10 sa mga nasawi ay mula sa Sarangani, lima sa Lanao del Sur, at dalawa sa Bukidnon. Karamihan sa mga insidente ay dulot ng landslide, habang may ilang kaso rin ng pagkalunod dahil sa pagbaha. May siyam na katao naman ang naiulat na nawawala.
Mahigit 500,000 katao o 112,000 pamilya mula sa 404 barangay sa iba’t ibang rehiyon mula Mindanao hanggang Luzon ang naapektuhan ng masamang panahon.
May 77 evacuation centers na kasalukuyang tinutuluyan ng humigit-kumulang 3,000 pamilya, habang patuloy din ang pagtulong sa iba pang apektadong residente na hindi nasa evacuation centers.
Nasira naman ang 153 bahay, naapektuhan ang ilang kalsada at tulay, at sinuspinde ang biyahe sa 73 pantalan. Umabot sa 300 pasahero at 176 rolling cargo ang na-stranded.
Namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P16.4 milyon halaga ng ayuda at naghanda ang pamahalaan ng milyun-milyong food packs para sa mga apektadong pamilya.
Itinaas naman ng OCD sa red alert ang Region 5, Negros Island Region, at Region 12, habang pinayuhan ang mga residente sa landslide at flood-prone areas na maghanda para sa posibleng preemptive evacuation.













