Libu-libong katao at matataas na opisyal ng Iran ang dumalo sa funeral ceremony para sa yumaong dating Iranian leader na si Ayatollah Ali Khamenei sa Tehran, kung saan pinangunahan ng tatlo niyang anak ang funeral prayer bilang huling pagpupugay.
Sa isinagawang seremonya, makikitang nagdarasal sina Mostafa, Meysam, at Masoud Khamenei sa harap ng kabaong ng kanilang ama sa isang malaking religious complex sa kabisera ng Iran. Kapansin-pansin naman ang hindi pagdalo ng isa pa niyang anak na si Mojtaba Khamenei, na madalas itinuturing na posibleng tagapagmana sa liderato ng bansa.
Kasama ring inilagak sa seremonya ang mga kabaong ng iba pang nasawing miyembro ng pamilya ni Khamenei, kabilang ang kaniyang anak na babae, manugang, at isang 14-buwang gulang na apo.
Dumalo rin sa funeral ceremony ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ng Iran, kabilang sina Iranian President Masoud Pezeshkian at Parliament Speaker Mohammad Baqer Qalibaf.
Bahagi ang seremonyang ito ng isang linggong funeral procession na isinagawa sa Iran bilang paggunita kay Khamenei at sa kaniyang pamilya, kabilang ang pagdadala ng kanilang mga labi sa ilang sagradong lugar ng mga Shi’ite sa Iraq.
Ayon sa ulat, hindi pa rin nagpapakita sa publiko si Mojtaba Khamenei matapos ang iniulat na pagkakasugat sa naganap na pag-atake ilang buwan na ang nakalilipas. Gayunman, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa pamahalaan ng Iran tungkol sa kaniyang kalagayan.













