Handa nang humarap si Vice President Sara Duterte sa kaniyang impeachment trial sa pamamagitan ng isang 16-member legal team na pawang binubuo ng mga pribadong abogado.
Ayon kay defense spokesperson Atty. Michael Poa, sinimulan na ng Bise Presidente ang pagbuo ng kaniyang legal defense team noong 2023, matagal bago pa man maisampa ang impeachment complaint. Aniya, inaasahan na noon pa ng Bise Presidente na maaaring mauwi sa impeachment proceedings ang mga isyung ibinabato laban sa kaniya kaya maaga itong naghanda.
Pinamumunuan ang defense panel ni Atty. Sheila Sison, na may 12 taong karanasan sa pag-aabogasya. Kabilang din sa mga beteranong abogado sa koponan sina Atty. Gregorio Narvasa II at Atty. Philip Sigfrid Fortun, na kapwa may mahigit apat na dekadang karanasan sa legal na propesyon.
Si Narvasa ay anak ng dating Chief Justice Andres Narvasa, na nagsilbi ring abogado ni dating Pangulong Joseph Estrada sa impeachment trial nito noong 2001. Samantala, si Fortun ay nakilala sa paghawak ng ilang high-profile cases, kabilang ang mga kasong kinasangkutan nina Senators Ping Lacson at JV Ejercito.
Karamihan sa mga abogado ng depensa ay konektado sa Fortun, Narvasa & Salazar Law Office, habang ang iba pang miyembro ay pawang mga mas batang abogado na may wala pang sampung taong karanasan sa propesyon.
Hindi tulad ng prosecution panel na binubuo ng mga mambabatas at private prosecutors, pawang pribadong abogado ang kumakatawan sa depensa ni Vice President Duterte sa inaasahang paglilitis.













