-- ADVERTISEMENT --

Itinuturing ni Senador Loren Legarda na labag sa Konstitusyon at walang legal na bisa ang naganap na pagbabago sa liderato ng Senado noong Hunyo 3, 2026.

Sa isang opisyal na video statement, iginiit ng senadora na hindi dapat kilalanin ang pagkakaluklok kina Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at bilang Acting Senate President, dahil aniya ay hindi nasunod ang kinakailangang proseso at bilang ng boto.

Ayon kay Legarda, malinaw sa Article VI, Section 16 ng 1987 Constitution at sa Rule II, Section 2 ng Rules of the Senate na kinakailangan ang mayorya ng lahat ng miyembro ng Senado—o 13 boto sa kabuuang 24 senador—upang makapaghirang ng mga opisyal. Subalit sa naganap na botohan, 12 senador lamang umano ang lumahok.

Dahil dito, giit niya, hindi umabot sa kinakailangang threshold ang boto kaya’t walang legal na kapangyarihan ang grupo na magsagawa ng reorganisasyon o magtalaga ng mga bagong opisyal at komite chairmanships.

Tinukoy rin ng senadora na ang pagbabatay sa kasong Avelino v. Cuenco ay hindi na angkop sa kasalukuyang konstitusyon, dahil ito ay nakasandig pa sa 1935 Constitution at hindi sa umiiral na 1987 Constitution.

Binigyang-diin pa ni Legarda na nananatili siyang lehitimong Senate President Pro Tempore hangga’t walang malinaw at legal na proseso ng pagpapatalsik o diskwalipikasyon na isinasagawa laban sa kanya.