Ipinahayag ng dating hukom na hindi balido ang inihayag na adjourn sine die ni Sen. Alan Peter Cayetano dahil hindi ito ginawa sa loob ng plenaryo ng Senado.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal, ipinaliwanag ni Retired Judge Lorenzo “Toto” Balo, Provincial Legal Adviser ng Sultan Kudarat, ang kahulugan at konteksto ng “adjourn sine die,” isang parliamentary term na tumutukoy sa pormal na pagtatapos o pagsuspinde ng sesyon ng lehislatura na walang itinakdang petsa ng pagbabalik.
Ayon sa kanya, ang ganitong uri ng adjournment ay nagpapakita na tapos na ang regular na sesyon ng kapulungan at karaniwang isinasagawa sa loob ng plenaryo bilang bahagi ng opisyal na proseso ng lehislatura.
Ipinaliwanag pa ni Balo na ang inihayag ni Cayetano ay ginawa sa pamamagitan ng social media at hindi sa aktwal na sesyon ng Senado, kaya’t para sa kanya ay wala itong pormal na bisa o epekto sa parliamentary records ng Senado.
Nilinaw niya na ang balidong deklarasyon ng adjourn sine die ay dapat na ginagawa mismo sa plenaryo, sa presensya ng mga senador, upang ito ay maituring na opisyal at may bisa na aksyon ng kapulungan.
Samantala, sinabi ng dating hukom na ang deklarasyon nina acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang mas maituturing na pormal at balidong adjourn sine die ng Senado, dahil ito ay isinagawa sa loob ng aktwal na sesyon at sa presensya ng mga miyembro ng kapulungan.













