Ikinabahala ni Senate President Alan Peter Cayetano ang umano’y pananakot sa ilang miyembro ng Senate majority, na aniya’y naglalayong impluwensyahan ang komposisyon ng Senado at pilitin ang paglipat ng ilang mambabatas sa minority bloc.
Sa kanyang Facebook livestream, sinabi ni Cayetano na may mga alegasyon ng pressure kung saan sinasabing may kapalit na hindi pagsasampa ng kaso ang paglipat ng kampo, habang ang hindi lilipat ay posibleng makasuhan. Aniya, layunin ng ilang senador na ilantad ang mga ebidensya ng naturang umano’y panggigipit.
Giit pa niya, hindi usapin kung guilty o hindi ang mga kinakaharap na kaso ng ilang mambabatas, kundi ang paggamit umano ng banta upang maimpluwensyahan ang political alignment sa Senado.
Binigyang-diin din ni Cayetano na nananatiling desisyon ng mga senador ang pagpili ng Senate leadership at hindi umano ito kinokontrol ng Malacañang.
Bilang tugon, itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang anumang impluwensya ng ehekutibo sa pagpili ng Senate President, iginiit na ang naturang proseso ay eksklusibong nasa kamay ng mga senador.
Sa gitna ng tensyon sa Senado, ilang miyembro ng majority bloc ang nahaharap sa mga kasong kriminal, kabilang si Sen. Jinggoy Estrada kaugnay ng umano’y anomalya sa pondo, habang patuloy na pinabubulaanan ng mga sangkot ang mga alegasyon laban sa kanila.













