Nilinaw ng Bureau of Animal Industry (DA-BAI) na hindi inaasahang maaapektuhan ang kalakalan ng agrikultura ng Pilipinas sa agarang panahon matapos ipatupad ng China ang pagbabawal sa pag-aangkat ng mga baboy, wild boar, at produktong baboy mula sa bansa dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF).
Ayon sa DA-BAI, kinikilala nila ang hakbang ng China ngunit binigyang-diin na wala namang aktwal na eksportasyon ng live pigs o wild boar at kaugnay na produkto mula Pilipinas patungong China, kaya’t minimal o walang direktang epekto ito sa kasalukuyang kalakalan.
Batay sa ulat ng Reuters, naglabas ang Chinese customs ng kautusan na nagbabawal sa naturang imports mula sa Pilipinas bilang precautionary measure laban sa ASF.
Sa panig ng Pilipinas, sinabi ng DA-BAI na tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mahigpit na biosecurity protocols—kabilang ang kontrol sa paggalaw ng hayop, culling sa mga apektadong populasyon, at mas pinatinding surveillance sa mga high-risk areas.
Mula nang unang ma-detect ang ASF sa bansa noong 2019, patuloy na inaayon ng gobyerno ang mga hakbang nito sa pamantayan ng World Organisation for Animal Health (WOAH) para mapigilan ang pagkalat at tuluyang makontrol ang sakit sa hog industry.










