-- ADVERTISEMENT --

Maaari nang bumili ng bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) ang mga hog raiser sa lokal na merkado ngayong linggo, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Kasunod ito ng ilang taon ng trial at laboratory testing. Ayon kay Laurel, maaari nang gamitin at bilhin ng mga hog raiser ang bakuna sa sandaling dumating ang supply mula sa supplier.

Inaasahan ng Department of Agriculture na makatutulong ang bakuna sa pagprotekta sa mga baboy laban sa ASF, na pumatay na ng tinatayang limang milyong baboy sa Pilipinas mula nang unang matukoy ang virus noong 2019.

Maaari rin umano itong makatulong sa pagpapatatag ng farmgate price ng baboy. Gayunman, nananatiling pangamba ng maraming hog raiser ang ASF, lalo na tuwing tag-ulan, dahil maaaring manatili ang virus sa lupa at groundwater.

Dahil sa panganib ng ASF, marami pa ring raisers ang nagbabawas ng kanilang alagang baboy upang maiwasan ang mas malaking pagkalugi.