-- ADVERTISEMENT --

Pormal nang nahalal bilang bagong Pangulo ng Senate of the Philippines si Senator Alan Peter Cayetano matapos ang botohan sa plenary session ngayong Lunes, Mayo 11.

Sa kabuuang 24 na dumalong senador, nakakuha si Cayetano ng 13 boto, sapat upang talunin si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nakakuha ng 9 boto. May dalawang abstention din mula kina Sen. JV Ejercito at Sen. Juan Miguel Zubiri.

Kabilang sa mga bumoto kay Cayetano ang siyam na miyembro ng kanyang bloc, pati na rin ang ilang kaalyado tulad ng kanyang kapatid na si Sen. Pia Cayetano at ang magkapatid na sina Sen. Camille Villar at Sen. Mark Villar.

Samantala, si Sotto ay sinuportahan ng siyam na senador kabilang sina Bam Aquino, Win Gatchalian, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Lito Lapid, Kiko Pangilinan, Raffy Tulfo, Erwin Tulfo, at mismong si Sotto.

Sa kanyang pag-upo, si Cayetano na ang ikaapat na Senate President sa ilalim ng administrasyong Marcos. Nauna rito, nagsilbi sa posisyon sina Juan Miguel Zubiri sa simula ng administrasyon, sinundan ni Francis “Chiz” Escudero noong 2024, at ni Vicente Sotto III noong 2025.

Ang pagbabago ng liderato ay naganap sa gitna ng mga mahahalagang isyung kinakaharap ng Senado, kabilang ang mga nakabinbing impeachment proceedings at iba pang kontrobersyal na panukalang pinagdedebatehan sa Kongreso.