Inihayag ni Jonvic Remulla na naghahanda na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng aabot sa 10,000 personnel para sa posibleng dragnet operations sakaling maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Gayunman, nilinaw ng kalihim na wala pa siyang nakikitang opisyal na dokumento kaugnay ng sinasabing warrant, kaya’t maituturing pa lamang umano itong “hearsay.”
Lumutang nitong Sabado, Mayo 9, ang mga ulat na umano’y nagpalabas na ng warrant ang ICC laban kay Dela Rosa kaugnay ng imbestigasyon sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Remulla, kasalukuyan pang binubuo ng DILG ang task force na posibleng gamitin sa pagpapatupad ng operasyon kapag naging opisyal ang kautusan mula sa international tribunal.
Ibinunyag din ng kalihim na nasa Davao Region umano si Dela Rosa sa kasalukuyan.
Kabilang si Dela Rosa sa mga pinangalanang umano’y “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kasong may kaugnayan sa madugong kampanya kontra iligal na droga.
Batay sa mga dokumentong inihain ng prosekusyon sa ICC, sinasabing may “common plan” umano sina Duterte at iba pang opisyal upang “i-neutralize” ang mga hinihinalang kriminal sa pamamagitan ng mararahas na operasyon, kabilang ang umano’y extrajudicial killings.
Nagsilbi si Dela Rosa bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) nang ipatupad ang Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel Reloaded — mga programang naging sentro ng kontrobersiya sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.













