Tiniyak ng Department of Health (DOH) na nakahanda ang pamahalaan sakaling magkaroon ng posibleng kaso o outbreak ng hantavirus sa bansa.
Ayon kay Albert Domingo, kasalukuyan nang nire-review ng DOH ang kapasidad ng kanilang mga laboratoryo upang matiyak na mabilis na matutukoy ang naturang virus kung kinakailangan.
Sinabi ni Domingo na maaari ring magamit muli ang mga Polymerase Chain Reaction (PCR) machines na ginamit noong COVID-19 pandemic sa oras na mapalitan lamang ang kinakailangang primers para sa hantavirus detection.
Dagdag pa niya, may tatlong institusyon sa bansa na mayroong electron microscope na makatutulong sa agarang pagsusuri habang hinihintay ang PCR primers.
Kasabay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Bureau of Quarantine upang mapalakas ang border health monitoring. Ayon kay BOQ Director Roberto Salvador Jr., tuloy-tuloy ang koordinasyon nila sa international health counterparts sa ilalim ng International Health Regulations.
Samantala, naghahanda na rin ang DOH ng mahihigpit na health protocols sakaling dumaong sa Canary Islands ang MV Hondius, na may mga pasaherong hinihinalang dinapuan ng virus.
Lulan ng barko ang 38 Pilipinong tripulante, ngunit nilinaw ng DOH na wala sa kanila ang nagpapakita ng sintomas at nananatili silang nasa maayos na kondisyon.
Ayon pa kay Domingo, isasailalim ang mga Pinoy seafarers sa makatao at may dignidad na health assessment, at papayagan lamang silang makauwi sa bansa kapag nakumpirma ng health authorities na ligtas ang kanilang kalagayan at nasunod ang mga protocol na ilalabas ng World Health Organization.












