Kumpiyansa ang Philippine National Police na matutunton at mahuhuli rin sina Atong Ang at Zaldy Co, na kapwa sangkot sa mga high-profile na kaso.
Ayon kay Jose Melencio Nartatez Jr., tuloy-tuloy ang operasyon ng pulisya sa pamamagitan ng koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang mahanap ang dalawa. Nahaharap si Ang at iba pang akusado sa kasong kidnapping with homicide at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero.
Noong Abril, naglabas ng red notice ang Interpol laban kay Ang, habang may ulat na namataan siya sa CALABARZON. May nakalaan ding ₱20 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kanyang kinaroroonan.
Samantala, nahaharap din si Co sa warrant of arrest kasama ang 17 iba pa, kabilang ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways at mga direktor ng Sunwest Corp., kaugnay ng umano’y maanumalyang flood control project.
Kinasuhan na siya ng Office of the Ombudsman ng graft at malversation sa Sandiganbayan dahil sa sinasabing maanomalyang ₱289-milyong proyekto sa Oriental Mindoro.
Itinanggi naman nina Ang at Co ang mga paratang laban sa kanila.
Matatandaang sinabi ni Ferdinand Marcos Jr. noong Abril 16 na naaresto si Co sa Prague matapos harangin sa hangganan ng Germany dahil sa isyu sa kanyang travel documents. Gayunman, nilinaw ni Fredderick Vida na wala na ito sa kustodiya ng Czech authorities. Ayon sa mga ulat, huli namang namataan si Co sa France noong Mayo 1.













