Sugatan ang pitong Pilipinong crew members ng isang container ship sa Strait of Hormuz matapos tamaan ng drone attack ng Iran.
Ayon kay Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers, tatlo sa mga nasugatan ang nananatili sa intensive care unit (ICU). Hindi naman tinukoy kung saang ospital sila dinala, ngunit sinabi na isinugod sila sa pinakamalapit na bansa sa Strait of Hormuz.
Sinabi ng ahensya na ligtas na ang kondisyon ng mga biktima ngunit patuloy silang mino-monitor.
Ang sangkot na barko ay ang Maltese-flagged container ship na CMA CGM San Antonio na umano’y inatake habang dumaraan sa Strait of Hormuz noong Martes dahilan para magkaroon ng pagsabog sa barko. Sa paunang impormasyon, nagtamo umano ng paso at nakalanghap ng gas ang mga biktima.
Ang CMA CGM ay kabilang sa pinakamalalaking container shipping lines sa mundo at may-ari ng naturang barko. Kinumpirma rin ng kumpanya na agad na dinala sa pagamutan ang mga sugatang seafarers.
Batay sa ulat ng DMW, mahigit 1,300 Filipino crew members sakay ng iba’t ibang barko ang ligtas nang nakatawid sa Strait of Hormuz, ngunit may libo-libong iba pa na nananatili sa Persian Gulf at naghihintay pa ring makadaan sa naturang waterway.













