-- ADVERTISEMENT --

Nasuspinde ang mga klase at pinauwi ang ilang kawani ng pamahalaan sa Istanbul, Turkey, nitong Miyerkules matapos ang malakas na pag-ulan na nagdulot ng matinding pagbaha sa lungsod.

Lubog sa tubig ang mga bahay, establisimyento, kalsada at mga underpass, na nagresulta sa matinding pagsisikip ng trapiko at pagkaka-stranded ng ilang sasakyan.

Ilang residente ang kinailangang sagipin mula sa rumaragasang baha at mga basement na pinasok ng tubig. Gayunman, isang 14-anyos na bata ang nasawi matapos makuryente sa baha.

Dahil sa panganib, hinimok ng lokal na pamahalaan ang mga residente na manatili muna sa kanilang mga tahanan. Pinayuhan din ang mga nakatira sa basement apartment na pansamantalang lumikas, habang ipinagbawal ang pagbiyahe ng mga motorsiklo bilang bahagi ng mga hakbang pangkaligtasan.