-- ADVERTISEMENT --

Uminit ang plenaryo ng Kamara nitong Martes nang magsalpukan ang dalawang bagitong mambabatas mula Batangas—isang eksenang naglantad hindi lang ng personal na bangayan kundi ng mas malalim na tensyon sa pulitika.

Nagsimula ang sigalot nang manawagan si Leandro Leviste ng imbestigasyon kaugnay sa umano’y ugnayan ni Executive Secretary Ralph Recto kay Edwin Gardiola, na nadadawit sa kontrobersyal na “flood control scandal.” Ipinunto ni Leviste na kailangang busisiin ang naturang koneksyon upang malinawan ang publiko.

Hindi ito pinalampas ni Ryan Recto, na agad tumindig upang ipagtanggol ang kanyang ama. Mariin niyang tinuligsa ang alegasyon at kinuwestyon ang pinanggagalingan at motibo ni Leviste. Ayon sa kanya, walang bahid ng anomalya ang ugnayan at ito ay nanatiling “purely professional.”

Ang palitan ng maaanghang na salita ay nagdulot ng tensyon sa loob ng plenaryo, na bihirang makita sa pagitan ng dalawang neophyte lawmakers mula sa iisang lalawigan. Sa mas malawak na pananaw, ang insidenteng ito ay maaaring senyales ng lumalalim na hidwaan—hindi lamang sa isyung kanilang pinagtatalunan, kundi pati sa umuusbong na dinamika ng bagong henerasyon ng mga lider sa Batangas.