Pinagtibay ng Pilipinas at Japan ang kanilang ugnayang panseguridad matapos magsagawa ng bilateral meeting sina Gilbert Teodoro at Shinjiro Koizumi sa isang pagtitipon sa Makati.
Sa nasabing pulong, mainit na tinanggap ni Teodoro ang delegasyon ng Japan at nagpasalamat sa patuloy na suporta ng bansa, kabilang ang tulong sa pag-apula ng sunog sa landfill sa Navotas City noong nakaraang buwan. Binigyang-diin naman ng panig ng Japan ang kanilang pangakong ipagpatuloy ang pagbibigay ng assistance upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng dalawang bansa.
Nakatakda ring magtungo ang dalawang opisyal sa Ilocos Norte upang saksihan ang Balikatan military exercises, kung saan makikilahok ang Japan gamit ang kanilang Type 88 surface-to-ship missiles. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na lalahok ang Japan sa naturang ehersisyo, na may kabuuang 1,400 sundalong ipinadala.
Bago ang pulong kay Teodoro, nakipagkita rin si Koizumi kay Ferdinand Marcos Jr, kung saan muling tiniyak ng Japan ang kanilang suporta sa seguridad ng Pilipinas—isang hakbang na nagpapakita ng lumalalim na defense cooperation sa rehiyon.












