Inamin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na posibleng hindi maabot ng bansa ang inaasam na 8% economic growth target pagsapit ng 2028 dahil sa patuloy na paghina ng piso at pagsirit ng presyo ng langis.
Ayon sa Pangulo, kinakailangan nang baguhin ng pamahalaan ang mga economic projection, lalo na’t umabot na sa ₱60 ang palitan ng piso kada dolyar nitong mga nakalipas na araw.
Nilinaw niya na may limitasyon ang kapangyarihan ng gobyerno upang pigilan ang pagbagsak ng halaga ng pera, at iginiit na hindi praktikal na ubusin ang foreign reserves ng bansa para lamang ipagtanggol ang piso, dahil ang kilos nito ay direktang naaapektuhan ng pandaigdigang merkado.
Tinukoy ng Pangulo ang lumalalang tension sa Gitnang Silangan bilang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo. Dahil lubos na umaasa ang Pilipinas sa imported oil, awtomatikong tumataas ang gastusin sa pag-angkat ng mga produkto.
Bunsod ng sitwasyong ito, inaasahan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Direktang mararamdaman ng mga ordinaryong Pilipino ang epekto ng krisis sa pamamagitan ng mas mahal na pamasahe sa transportasyon at tumaas na presyo ng pagkain sa mga susunod na buwan.












