Nagbabala ang isang maritime security expert na umano’y ginagamit ng China ang mga media outlet at paaralan para impluwensyahan ang opinyon ng publiko sa Pilipinas.
Sa isang panayam, sinabi ni dating U.S. Air Force colonel at Defence Attaché Ray Powell na batay sa kanilang mga imbestigasyon, ang United Front Work Department ay umano’y nagsasagawa ng mga lihim na operasyon sa iba’t ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas.
Ibinahagi rin ni Powell ang mga ulat na may mga programang nagpo-promote ng “patriotism” sa mga paaralan sa China, at binanggit ang tinatawag na “blood transfusion plan” na umano’y ipinatupad sa pamamagitan ng Philippine Chinese Education Research Center noong 1991.
Dagdag pa niya, noong nakaraan, pinulong umano ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang mga kinatawan ng ilang Mandarin-language media outlets sa Maynila, kung saan hinihikayat ang mas mahigpit na pakikipagtulungan at pagsusulong ng mga mensaheng may temang nationalism.













