Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na kung siya ay mabibigyan ng pagkakataon, ipapabuwag niya ang Sangguniang Kabataan (SK) sa mga lokal na pamahalaan sa bansa.
Ayon sa kalihim, sa mahigit 42,000 barangay sa Pilipinas na may kani-kaniyang village councils, halos 50% ng mga SK ang hindi na gumagana sa loob ng unang taon dahil sa iba’t ibang dahilan.
Kabilang dito ang pagiging abala ng mga miyembro sa kanilang pag-aaral, ang ilan ay nag-aasawa, habang ang iba naman ay lumilipat ng tirahan.
Dagdag pa ni Remulla, makalipas ang dalawang taon mula nang mahalal bilang mga opisyal ng SK, kakaunti na lamang ang natitira at aktibong miyembro sa bawat konseho.
Aniya, napakataas ng attrition rate ng SK, lalo na sa mga probinsya.
Gayunpaman, kung hindi man posible ang pagbuwag sa Sangguniang Kabataan, iminungkahi ng kalihim na ito ay isailalim sa rebisyon o bumuo ng mga bagong estratehiya upang higit pang mapalakas ang youth empowerment sa bansa.













