Inanunsyo ng Vatican na hindi sila makikibahagi sa “Board of Peace” na pinamumunuan ni US President Donald Trump, na may layuning pangasiwaan ang pamamahala at rekonstruksiyon ng Gaza, ayon kay Vatican Secretary of State Cardinal Pietro Parolin.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Cardinal Parolin na hindi makikibahagi ang Vatican sa board dahil sa partikular na kalikasan ng proyekto.
Ayon sa kanya, hindi angkop para sa Holy See ang maging bahagi ng isang istruktura na may ganitong layunin.
Kaugnay nito, binanggit ni Cardinal Parolin ang ilang punto ukol sa partisipasyon ng Italy bilang observer sa Board of Peace, at sinabi niyang may mga isyu na kailangan pang resolbahin.
Isa sa mga ipinunto ng Kardinal ay ang pananaw ng Vatican na ang United Nations (UN) ang nararapat na mangasiwa sa mga international crisis situations, gaya ng sitwasyon sa Gaza.
Habang mahigit 25 bansa na ang nag-anunsyo ng kanilang partisipasyon sa Board of Peace, ilang mga bansa tulad ng New Zealand, United Kingdom, Germany, at France ang tumanggi sa imbitasyon ni Trump.
Samantala, nagpahayag din ng pagkabahala si Cardinal Parolin ukol sa patuloy na digmaan sa Ukraine, ilang araw bago ang ikaapat na anibersaryo ng pagsiklab ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ayon sa kanya, apat na taon na ang lumipas ngunit wala pang tunay na progreso na naisasakatuparan tungo sa kapayapaan sa pagitan ng dalawang bansa.













