KORONADAL CITY – Dumaranas ng post-partum syndrome ang babae na dumukot sa bagong silang na sanggol sa South Cotabato Provincial Hospital, ayon sa panayam ng Bombo Radyo kay Reybell Maladian Caliawan, pinsan ng ina ng sanggol. Sinabi niya na nanganak umano ang babae ngunit nahulog ang bata, dahilan umano ng kanyang kondisyon.
Ayon kay Reybell, nais nilang personal na makausap si Alyas Princess, ang suspek, dahil naniniwala sila na hindi ito lubos na masama, lalo na’t binilhan pa ng suspek ng mga gamit ang sanggol, lahat kulay asul.
Napag-alaman din na may ilang nakakakilala kay Princess na nagsabing nanganak nga ito at nawala ang bata sa ilang oras. Ang babae ay taga Lutayan, Sultan Kudarat, at doon umano siya natulog kagabi matapos dukutin ang sanggol.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Koronadal City Police ang suspek at mananagot sa kanyang ginawa. Patuloy ding iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo kung bakit nito dinukot ang sanggol.













