-- ADVERTISEMENT --

Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang makalaya habang isinasagawa ang paglilitis sa mga kasong nakasampa laban sa kanya.

Sa inilabas na desisyon ng Pre-Trial Chamber I, binigyang-diin ng ICC na kinakailangang manatili sa kustodiya si Duterte alinsunod sa mga probisyon ng Rome Statute.

Ayon sa korte, ang pagpapatuloy ng kanyang detensyon ay makatarungan at nararapat batay sa bigat ng mga akusasyon, at upang matiyak ang kanyang pagharap sa paglilitis gayundin ang pag-iwas sa anumang panghihimasok sa imbestigasyon o banta sa mga saksi at biktima.

Si Duterte ay nananatiling nakakulong sa The Hague mula pa noong Marso 2025, kaugnay ng tatlong bilang ng murder na itinuturing na “crimes against humanity” dahil sa kampanya kontra ilegal na droga noong panahon ng kanyang administrasyon.

Noong Hunyo 2025, naghain ang kanyang kampo ng petisyon para sa pansamantalang pagpapalaya, idinahilan ang umano’y mahinang kalusugan ng dating Pangulo at ang kakulangan ng kakayahang makadalo sa mga pagdinig. Iginiit pa ng kanyang mga abogado na hindi umano tutol ang kasalukuyang administrasyon sa nasabing hiling—subalit agad itong pinabulaanan ng Malacañang.

Tinutulan naman ng Office of the Prosecutor ng ICC ang kahilingan, at iginiit na dapat dumaan sa masusing pagsusuri ang mga alegasyon ukol sa kalusugan ni Duterte. Samantala, nagpaabot ng pag-aalala ang Office of Public Counsel for Victims, na ang kanyang pansamantalang paglaya ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa hustisya para sa mga pamilya ng mga biktima ng kampanya kontra droga.