Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pamamaril na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang lalaki sa bahagi ng Sitio Dima, Barangay Lower Paatan, bayan ng Kabacan, North Cotabato, kagabi ng Biyernes, Agosto 22, 2025.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, magkasakay sa isang motorsiklo ang mga biktima nang pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lamang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang gunman at kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Kinilala ang mga nasawi sa alyas na Suklan at Kansa, kapwa residente ng Barangay Dungguan, bayan ng M’lang, North Cotabato.
Dead on the spot ang dalawa dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Sa ngayon, patuloy ang masusing pagsisiyasat ng Kabacan Municipal Police Station upang alamin ang motibo sa pamamaril at tukuyin ang pagkakakilanlan ng salarin.
Pinaiigting na rin ang presensya ng pulisya sa lugar upang matiyak ang seguridad at maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Samantala, nanawagan ang mga otoridad sa sinumang nakasaksi o may impormasyon hinggil sa pamamaril na makipagtulungan sa pulisya upang agad na malutas ang krimen.