Suspendido hanggang Biyernes ang pasok sa Agriculture Central Elementary School matapos ang karumal-dumal na pamamaril sa kanilang school principal nitong Martes ng umaga, Agosto 12.
Kinumpirma ito ni Mayor Rolly “UDM” Sacdalan sa isang press conference matapos na nangyari ang insidente.
Ayon sa alkalde, isasailalim muna sa psychological assessment ang mga mag-aaral, guro, at ilang magulang na nakasaksi sa pamamaril, sa tulong ng Rural Health Unit (RHU) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), upang matiyak ang kanilang kaligtasan at mental na kalagayan.
Binigyang-diin ni Mayor Sacdalan na patuloy ang intervention ng LGU para masigurong maayos ang kalagayan ng mga estudyante at guro ng nasabing paaralan.
Kasabay nito, ipinag-utos din ng alkalde ang mas mahigpit na seguridad, hindi lamang sa mga paaralan, kundi sa buong bayan ng Midsayap.
Aniya, walang puwang sa kanilang lugar ang mga kriminal at gumagamit ng ipinagbabawal na droga, at handa ang pamahalaang lokal na gumamit ng “kamay na bakal” kung kinakailangan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.