-- ADVERTISEMENT --

Nanatili sa balota ang pangalan ni Nasser Dalgan kahit umatras na siya sa karera para sa parliamentary seat sa 5th District ng Maguindanao del Sur.

Ayon kay COMELEC spokesperson John Rex Laudiangco, in-withdraw ni Dalgan ang kanyang certificate of candidacy ngunit hindi na naalis ang kanyang pangalan sa mga naimprentang balota.

Ipinaliwanag ng COMELEC Law Department na ang anumang boto na makukuha ni Dalgan ay ituturing na stray votes at hindi isasama sa valid votes para sa mga kandidato.

Naganap ang withdrawal habang isinasagawa ang unang parliamentary elections sa BARMM, kung saan mahigit 2.39 milyong botante ang nakarehistro.

Samantala, inaasahang magsisimula ang transmission ng partial at unofficial results matapos magsara ang mga polling precinct alas-7 ng gabi at matapos mailimbag ang unang siyam na kopya ng election returns.