Umabot na sa 52 barangay ang naaapektuhan ng pag-ulan ng abo mula sa Bulkang Mayon, kasunod ng patuloy nitong pag-aalburuto, ayon sa Office of Civil Defense nitong Mayo 2, 2026.
Batay sa ulat ng PHIVOLCS, sunod-sunod na volcanic activity ang nagdulot ng makapal na ashfall sa iba’t ibang bahagi ng Albay.
Dakong alas-4:28 ng hapon, nagkaroon ng pagguho ng lava sa tuktok ng bulkan na nagresulta sa pyroclastic density currents (PDCs), partikular sa Mi-isi Gully sa southwestern slopes. Umabot umano sa 4 kilometro ang tinakbo ng PDCs—na itinuturing na pinakamalawak mula sa huling pagputok ng Mayon.
Ayon kay Teresito Bacolcol, nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan, na nangangahulugang may umiiral na magmatic unrest at may posibilidad ng mas mapanganib na pagsabog. Dahil dito, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ).
Pinapayuhan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay tuwing may ashfall, magsuot ng protective mask, at tiyaking natatakpan ang pagkain at inuming tubig upang maiwasan ang kontaminasyon.
Patuloy naman ang koordinasyon ng OCD, PHIVOLCS, at mga lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan. Kabilang sa mga apektadong lugar ang mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Daraga, at Legazpi City, kung saan nakaalerto na rin ang mga volunteers at disaster response teams para sa agarang pagtugon.













