-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang dalawang bata matapos malunod sa NIA irrigation canal sa Barangay San Vicente, Sto. Niño, South Cotabato, bandang ala-una ng hapon nitong Oktubre 29, 2026.

Ito ang kinumpirma ni Barangay Kagawad Elma Cabayao sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, kung saan kinilala ang mga biktima na sina Jonre, 3-anyos, at Juanna, 5-anyos, kapwa residente ng Purok Malipayon sa nabanggit na barangay.

Ayon kay Cabayao, isang namimingwit ng isda ang nakakita sa isa sa mga bata na palutang-lutang sa irrigation canal. Agad itong humingi ng tulong upang maiahon at isinailalim sa CPR hanggang sa isinugod sa ospital, subalit binawian din ng buhay.

Dagdag pa ng barangay offiicial, naglalaro lamang umano ang mga bata habang abala sa pagkokopra ang kanilang ina hanggang sa nawala ang mga ito.

Posibleng dumaan ang mga bata sa isang tulay bago mahulog sa irrigation canal, nang hindi namamalayan ng kanilang magulang na nakalayo na sila.

Natagpuan ang babaeng biktima sa Purok General Santos na mas malayo pa sa kung saan nakita ang batanga lalaki at naidala pa sa Norala District Hospital ngunit binawian din ng buhay.

Samantala, nanawagan si Cabayao sa mga magulang na huwag hayaang mawala sa kanilang paningin ang mga bata, lalo na ang mga maliliit pa, upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.