KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos maaktuhan sa isinagawang buy-bust operation alas-12:30 ng tanghali noong Pebrero 19, 2026 sa Barangay Morales, Koronadal City.
Pinangunahan ang operasyon ng Koronadal City Police Station–City Police Drug Enforcement Unit katuwang ang South Cotabato Police Provincial Drug Enforcement Unit, South Cotabato Police Intelligence Unit, 1st South Cotabato Police Mobile Force Company, at Philippine Drug Enforcement Agency Region 12 South Cotabato Provincial Office.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Rodel, 31 anyos; alyas Lot, 30 anyos; at alyas Jho, 35 anyos na pawang residente ng Barangay Tugal, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur.
Ayon sa otoridad, nahuli ang mga suspek sa aktong pagbebenta ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.
Nabili sa kanila ang isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng puting kristalinong substansiya na hinihinalang shabu na may timbang na tinatayang isang gramo at may halagang ₱3,000.
Bukod dito, narekober pa ang isa pang sachet na may tinatayang limang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱34,000, kasama ang buy-bust money na binubuo ng isang tunay na isang libong pisong papel at dalawang boodle money.
Isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensiya sa presensiya ng mga suspek, kinatawan ng media, at isang halal na opisyal ng Barangay Morales.
Isusumite ang mga nakuhang droga sa South Cotabato Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination, habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga naaresto.













