Umaasa ang pamahalaan ng Pilipinas na mailalabas na ang desisyon ng International Criminal Police Organization kaugnay sa kahilingan nitong magpalabas ng Red Notice laban kay dating presidential spokesman na si Atty. Harry Roque.
Ayon kay Jonvic Remulla, natapos na ngayong linggo ang anim na buwang proseso kaugnay ng asylum application ni Roque sa Netherlands, kaya posibleng lumabas anumang oras ang desisyon kung pagbibigyan o hindi ang hiling ng Pilipinas.
Nahaharap si Roque sa kasong human trafficking na konektado umano sa operasyon ng iligal na POGO hub na Lucky South 99. Dahil dito, wanted na siya ng mga awtoridad at noong Nobyembre pa ng nakaraang taon humiling ang gobyerno ng Red Notice laban sa kanya.
Nauna nang iniulat na naghain si Roque ng asylum application sa Netherlands, ngunit kalaunan ay inirefer umano siya sa Austria alinsunod sa European Union Dublin Regulation, kung saan ang unang bansang pinasukan ng asylum seeker ang siyang may pananagutang magproseso ng aplikasyon.
Sinabi ni Remulla na kung hindi maaprubahan ang asylum request ni Roque, maaari siyang paalisin sa naturang bansa dahil sa kawalan umano ng travel documents at dahil na rin sa kinakaharap niyang kasong human trafficking.













