Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang labing limang (15) mga kasapi ng bogos na tribal group na nagpakilalang Federal Tribal Government of the Philippines matapos na boluntaryong sumuko sa mga otoridad.
Inihayag ni Police Colonel Warren Dablo, provincial director ng Surigao Del Norte Police Provincial Office, na siyam sa nasabing bilang ang sumuko sa Surigao City Police Station habang ang 6 ay sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-Surigao Del Norte.
Dagdag pa ng opisyal na ang mga sumuko ay mga residente ng Monkayo, Davao De Oro na ni-recruit lamang sa pamamagitan ng text messages na may gagawing aktibidad sa Surigao City kung saan makakatanggap sila ng Php15,000 – Php50,000 bawat isa.
Ngunit sumuko ang mga ito matapos na ma-realize na hindi tama ang ginawa ng bogos na tribal group na Federal Tribal Government of the Philippines na pinamumunuan nina Jorgeto Corpuz Santisas alyas Datu Adlaw at Bae Lourdes Latraca Infante.
Kinumpirma din ni Police Colonel Dablo na ang mga sumuko ay kasama sa mga nahaharap sa kaso kaya’t nakatakdang silang makipag-usap sa City persecutor upang humingi ng payo sa kanilang gagawin.
Kasabay nito, nanawagan naman ang opisyal sa iba pang kasapi ng peke na tribal group na sumuko na upang matulungan sa kanilang kinakaharap na kaso.