KORONADAL CITY – Sugatan ang isang 15-anyos na binatilyo matapos umanong masangkot sa insidente ng pamamaril sa Purok Masinadyahon, Barangay San Isidro, Koronadal City, South Cotabato, alas-8:20 ngayong umaga, Agosto 13.
Lumabas sa imbestigasyon ng Koronadal City PNP, nagpapakain ng kanilang aso sa harap ng kanilang bahay ang biktimang si Brint, kasama ang kanyang ama, nang bigla silang makarinig ng putok ng baril.
Nang biglang nakaramdam ng kirot ang biktima dahil sa natamong mga sugat mula sa mga fragment na tumama sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan kaya’t agad siyang isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital para sa kaukulang gamutan.
Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis, ang suspek na kinilalang si Roel Eleydo Miguel, isang retiradong pulis, nasa legal age, may asawa at kapitbahay ng pamilya ng biktima.
Narekober mula sa suspek ang isang Armscor rifle na may serial number TR019126 at isang Armscor M1911 A2 TAC ULTRA FS .45 pistol na may serial number RIA2743093, kasama ang isang magazine na may walong live ammunition.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ginang Jennifer Mediavilla, ina ng biktima, ibinahagi niya ang kanyang salaysay kaugnay sa nangyaring insidente at kalagayan ng kanyang anak matapos ang pamamaril.
Ayon kay Mediavilla, patuloy nilang binabantayan ang kondisyon ng kanyang anak habang sumasailalim ito sa gamutan.
Patuloy naman ang joint technical investigation ng Koronadal City Police Station at South Cotabato Forensic Unit–RFU 12 upang matukoy ang buong detalye ng insidente, kabilang ang pinagmulan ng putok at iba pang pangyayari na humantong sa pagkakasugat ng biktima.
Nasa kustodiya na ng Koronadal City Police Station ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng nararapat na kaso.













