-- ADVERTISEMENT --

Nirebisa ng Philippine National Police (PNP) ang bilang ng mga nasawi sa pinagsamang epekto ng habagat at mga nagdaang bagyo sa 25 mula sa dating 26 matapos ang isinagawang validation.

Ayon kay PNP public information chief Col. Allen Rae Co, kabilang sa mga nasawi ang isang pulis. Batay sa datos mula sa police regional offices (PROs) na isinumite sa PNP national headquarters nitong Agosto 13, pinakamarami ang naitalang nasawi sa Cordillera Administrative Region.

Sa CAR, 2 ang nasawi sa La Trinidad, Benguet; 10 sa Baguio City; at 3 sa Atok, Benguet, karamihan ay dahil sa landslide.

Sa Calabarzon, 2 ang nasawi sa Rodriguez, Rizal dahil sa landslide; 3 sa Batangas City dahil sa pagkalunod, pagkakuryente at landslide; 1 sa Antipolo dahil sa bumagsak na puno; at 1 sa Binangonan dahil sa pagkalunod.

Samantala, 1 ang nasawi sa La Union dahil sa pagkakuryente at 1 sa Alaminos, Pangasinan dahil sa pagkalunod. Sa Cadiz City, Negros Occidental, 1 PNP personnel naman ang namatay dahil sa pagkalunod.

Mas mataas ang bilang ng PNP kumpara sa 21 nasawi na iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ipinaliwanag ni Col. Co na nakabatay ang datos ng PNP sa mga ulat mula sa kanilang mga yunit sa mga apektadong lugar. Posible aniyang magkaiba ang criteria ng mga ahensiya sa pagtukoy kung direktang may kaugnayan sa habagat o bagyo ang isang pagkamatay.

Samantala, 82 PNP personnel sa Metro Manila at Mimaropa ang naapektuhan ng baha, kabilang ang mga napinsala ang bahay dahil sa ilang araw na pag-ulan dulot ng habagat.