Mas maagang magbubukas ang ilang polling precinct sa Setyembre 14 para sa mga botanteng kabilang sa vulnerable sector bilang bahagi ng paghahanda sa kauna-unahang regular Bangsamoro Parliamentary Elections.
Suno Atty. Renault Macarambon, Provincial Election Supervisor ng Maguindanao del Norte, sinabi niyang alas-singko pa lamang ng umaga ay maaari nang bumoto ang mga senior citizen, persons with disabilities, at iba pang kwalipikadong botante na kabilang sa vulnerable groups.
Samantala, mananatiling bukas ang proseso ng pagboto para sa lahat ng kwalipikadong botante hanggang alas-siyete ng gabi sa buong lalawigan.
Kasabay ng paghahanda sa halalan, hiniling ni Macarambon sa Maguindanao Electric Cooperative (MAGELCO) na tiyaking sapat at tuloy-tuloy ang suplay ng kuryente sa araw ng botohan.
Mahalaga aniya ang stable na power supply upang maiwasan ang pagkaantala sa operasyon ng mga voting machine, proseso ng pagboto, at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa halalan.
Layunin ng Comelec na maisagawa nang maayos, ligtas, at organisado ang makasaysayang halalan sa Maguindanao del Norte at sa iba pang bahagi ng BARMM.













