-- ADVERTISEMENT --

Mananatiling suspendido sa loob ng 90 araw si Senator Jinggoy Estrada matapos tanggihan ng Sandiganbayan Fifth Division ang kaniyang mosyon na repasuhin ang preventive suspension kaugnay ng mga kasong nag-ugat sa umano’y flood control anomaly.

Sa pahayag nitong Nobyembre 16, tinanggap ng Office of the Ombudsman ang desisyon ng korte at sinabing pinagtibay nito ang posisyon ng prosekusyon na magkahiwalay ang mga kasong dinidinig sa Fifth Division at ang graft case na nakabinbin sa Second Division, kung saan dati nang ipinataw ang 90-araw na preventive suspension laban sa senador.

Nilinaw naman ng Ombudsman na ang preventive suspension ay hindi katumbas ng hatol na guilty, kundi isang hakbang upang mapangalagaan ang integridad at maayos na pag-usad ng paglilitis.

Tiniyak din ng tanggapan na magpapatuloy ang pagdinig sa mga kaso batay sa mga nakalap na ebidensiya, alinsunod sa due process at karapatan ng mga akusado, habang iginagalang ang kalayaan ng hukuman.