Ang depensa ni Vice President Sara Duterte sa nalalapit na impeachment trial ay posibleng magtampok ng ilang personalidad na dati nang naging kritiko niya, kabilang sina Antonio Trillanes IV at si Ramil Madriaga.
Batay sa pre-trial brief na inihain noong Hunyo 15, nakasaad na layunin ng kampo ng Bise Presidente na magharap ng mga testigo at ebidensyang magpapakita na walang sapat na batayan ang mga alegasyong nakapaloob sa Articles of Impeachment.
Ayon sa dokumento, nakahanda rin ang depensa na maglahad ng karagdagang mga ebidensya upang kontrahin ang anumang maipiprisintang testimonya o dokumento ng prosekusyon sa pag-usad ng paglilitis.
Bukod sa mga dating kritiko ni Duterte, nakalista rin bilang posibleng mga testigo ang mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Office of the Ombudsman, National Bureau of Investigation, Commission on Audit, Department of Budget and Management, Anti-Money Laundering Council, at Philippine Statistics Authority.
Kasama rin sa maaaring ipatawag ng depensa ang mga forensic experts, accountants, notaries public, at investigative journalists na inaasahang makapagbibigay-linaw sa mga usaping sentro ng impeachment case.
Nakabatay ang reklamo laban kay Duterte sa mga alegasyon ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, pagkukulang sa deklarasyon ng yaman at negosyo, at iba pang usapin na may kaugnayan sa graft and corruption. Kabilang din sa mga isyung binibigyang pansin sa kaso ang umano’y mga banta laban sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Habang papalapit ang impeachment trial, inaasahang magiging mahalagang bahagi ng depensa ang testimonya ng mga testigong ito upang hamunin ang mga ebidensyang nauna nang inilatag sa mga pagdinig sa Kamara.













