-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala si dating Senate President Koko Pimentel na maaari nang imbestigahan ng Office of the Ombudsman ang Office of the Vice President (OVP) kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggamit ng public at confidential funds, kahit nagpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Pimentel, walang immunity from suit ang Bise Presidente sa ilalim ng 1987 Constitution. Dahil dito, maaari umanong magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Ombudsman, bilang independent constitutional body.

Maaari ring gamitin sa pagsusuri ang mga dokumento at testimonya na lumitaw na sa mga imbestigasyon ng House of Representatives at Senado.

Nauna nang nanawagan si House prosecutor Rep. Terry Ridon sa Ombudsman na simulan ang imbestigasyon sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng OVP noong 2022 at 2023.

Kabilang sa mga alegasyong dapat suriin ang sinasabing paglabag sa COA Joint Circular 2015-01, na nagtatakda ng mga responsibilidad sa pag-disburse ng confidential funds.

Para kay Pimentel, hindi hadlang ang nagpapatuloy na impeachment proceedings para maisagawa ang hiwalay na proseso ng pananagutan sa ilalim ng regular na batas.