-- ADVERTISEMENT --

Personal na nagtungo si  Vice President Sara Duterte sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao upang suriin ang sitwasyon at tiyaking natutugunan ang agarang pangangailangan ng mga residente.

Unang binisita ng Bise Presidente ang Barangay Nuing sa Jose Abad Santos, kung saan nakipagpulong siya sa mga pamilyang naapektuhan ng pagyanig at personal na inalam ang kanilang kalagayan. Kasabay nito, naghatid din siya ng ayuda para makatulong sa mga residenteng nahaharap sa epekto ng sakuna.

Nagpatuloy ang kanyang pag-iinspeksyon sa iba pang apektadong lugar, kabilang ang mga evacuation center at pasilidad medikal na tumutugon sa mga biktima ng lindol. Layunin ng mga pagbisitang ito na matiyak na may sapat na suporta at serbisyo para sa mga evacuee at mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyong medikal.

Sa Balut Island, sinuri rin ni Duterte ang kalagayan ng mga pansamantalang naninirahan sa evacuation center at ng mga pasyenteng ginagamot sa lokal na ospital. Nakipag-ugnayan din siya sa mga lokal na opisyal at mga responder upang malaman ang mga pangunahing pangangailangan ng komunidad.

Sa kanyang pagbisita sa Glan, nakipagkita naman ang Bise Presidente sa mga pamilyang lumikas sa Glan Tent City evacuation site at pinuntahan ang mga pasyenteng ginagamot sa Philippine Emergency Medical Assistance Team Field Hospital.

Ipinakita ng serye ng mga pagbisita ang patuloy na pagtutok ng Office of the Vice President sa pagtugon sa mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad, lalo na sa pagbibigay ng tulong at pagmomonitor sa kalagayan ng mga residente sa mga lugar na sinalanta ng lindol.