May hanggang Hunyo 1, 2026 si Vice President Sara Duterte upang isumite ang kanyang opisyal na sagot sa impeachment complaint na kinakaharap niya sa Senado.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Alan Peter Cayetano matapos ihayag na naipadala na ang summons sa tanggapan ng bise presidente noong Mayo 20. Ayon sa Office of the Vice President, natanggap nila ang dokumento dakong alas-10:40 ng umaga sa parehong araw.
Sa ilalim ng impeachment court rules, may sampung araw ang respondent upang magsumite ng pormal na tugon mula sa oras na matanggap ang summons. Bagama’t orihinal na nakatakda ang deadline sa Mayo 30, inilipat ito sa Hunyo 1 dahil natapat ang huling araw sa Sabado.
Kasunod ng pagsusumite ng sagot ng kampo ni Duterte, magkakaroon naman ng limang araw ang House prosecution panel upang magsampa ng reply bago tuluyang itakda ang pre-trial proceedings ng impeachment case.
Nanawagan din si Cayetano sa mga senador na agad plantsahin ang impeachment calendar upang hindi makaapekto ang proseso sa iba pang legislative agenda ng Senado.
Samantala, iginiit ni House prosecution spokesman at Zia Alonto Adiong na wala nang dahilan upang maantala pa ang impeachment trial. Ayon sa kanya, kumpleto na umano ang mga kinakailangang proseso at dokumento para umusad ang pagdinig.
Binigyang-diin din ni Adiong na malaking pagsubok sa Senado ang paghawak sa impeachment proceedings, dahil nakatutok umano ang publiko sa magiging aksyon ng mga senador. Aniya, mahalagang manaig ang pagiging patas at hindi pagiging partisan sa pagtalakay sa kaso.













