-- ADVERTISEMENT --

Umabot sa tinatayang US$2.5 bilyon ang investment commitments na nakuha ng Pilipinas mula sa mga Canadian companies kasunod ng official visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Canada.

Ayon sa Pangulo, magmumula ang mga pamumuhunan sa mga sektor ng pagmimina, enerhiya, information technology at business process management, at digital economy na inaasahang magbibigay ng dagdag na oportunidad at magpapalakas sa ekonomiya ng bansa.

Sa kanyang pagbisita, nakipagpulong si Marcos sa mga pangunahing Canadian business leaders na nagpahayag ng interes na palawakin ang kanilang operasyon at mamuhunan sa Pilipinas.

Sinabi ng Pangulo na naging matagumpay ang biyahe dahil sa mga napagkasunduang inisyatibo sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor, ngunit iginiit niyang magpapatuloy ang trabaho upang matiyak na mararamdaman ng mas maraming Pilipino ang benepisyo ng mga kasunduang ito.

Bukod sa investment commitments, sinabi rin ng Malacañang na nagpapatuloy ang pagtalakay ng Pilipinas at Canada sa posibleng free trade agreement. Kasama rin sa mga napag-usapan ang pagtatayo ng artificial intelligence hubs at training centers sa bansa upang mapaunlad ang AI workforce.

Nauna nang inanunsyo ni Marcos na itinaas na sa strategic partnership ang relasyon ng Pilipinas at Canada, na magpapalalim sa kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng seguridad, kalakalan, enerhiya, teknolohiya, at iba pang mahahalagang sektor.