Pinuri ang 36-anyos na si Kaylub Giamanco, ama ng dalawang estudyante, matapos niyang mapahinto ang pamamaril sa Silver Rail Elementary School sa Bend, Oregon, na ikinasawi ng tatlong bata at isang guro.
Ayon sa ulat, nagtungo si Giamanco sa paaralan matapos makarinig ng mga putok ng baril.
Gamit ang kaniyang legal na .40-caliber handgun, hinarap niya ang 16-anyos na suspek habang sinusubukan naman ng isang guro na agawin ang shotgun ng binatilyo.
Ilang beses na pinaputukan ni Giamanco ang suspek hanggang sa mapahinto ang pag-atake.
Pinuri ni Bend Police Chief Mike Krantz ang ginawa ni Giamanco at ng guro, na aniya ay nakatulong upang hindi na madagdagan pa ang mga biktima.
Bukod sa tatlong batang edad lima, walo at 11, nasawi rin ang 25-anyos na gurong si Megan Lambert.
Dalawa pa ang nasugatan, kabilang ang isang pitong taong gulang na estudyante at isang 54-anyos na guro.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng suspek at kung paano nito nakuha ang shotgun na ginamit sa pamamaril.









