Nagbabala ang World Meteorological Organization (WMO) na maaaring lalo pang lumakas ang El Niño at manatili hanggang Pebrero, na posibleng magdulot ng matinding pagbabago sa panahon sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Kabilang sa inaasahang epekto ang mas matinding init, pagbabago sa pattern ng ulan, pagbaha at tagtuyot. Maaari rin itong magkaroon ng malaking epekto sa agrikultura, kalusugan at pandaigdigang ekonomiya.
Ayon kay UN Secretary-General António Guterres, lalo pang pinaiigting ng El Niño ang global warming na dulot ng climate change. Samantala, sinabi ni WMO chief Celeste Saulo na kailangang maging maagap ang mga bansa upang mabawasan ang posibleng pinsala.
Naitala na rin ang mahigit dalawang degree na pag-init ng Pacific Ocean kumpara sa normal na average, na isa sa mga palatandaan ng lumalakas na El Niño. Dahil dito, hinimok ng UN ang mga bansa na agad palakasin ang paghahanda at mga hakbang para maprotektahan ang mga komunidad.













