Posibleng isang “trigger-happy” na pagkilos ng miyembro ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms ang naging dahilan ng paglala ng insidente ng putukan sa Senado noong Mayo 13, ayon kay Panfilo Lacson.
Batay umano sa paunang imbestigasyon ng Philippine National Police at Criminal Investigation and Detection Group, lumitaw na isang OSAA personnel ang unang nagpaputok ng sunod-sunod na bala sa kasagsagan ng insidente.
Gayunman, binigyang-diin ni Lacson na hindi pa pinal ang findings ng mga awtoridad at patuloy pa ring iniimbestigahan ang kabuuang pangyayari upang matukoy ang tunay na pananagutan ng mga sangkot.
Bagama’t hindi niya tinukoy ang pangalan ng personnel, nauna nang inamin ni Mao Aplasca na siya ang nagpaputok ng warning shots noong araw ng insidente.
Ipinaliwanag din ni Lacson na mahalagang suriin sa anumang imbestigasyon ang tatlong pangunahing elemento — means, opportunity, at motive — lalo na ang motibo, upang malinaw na matukoy ang pinagmulan at layunin ng insidente.
Ayon pa sa senador, kung maglulunsad man ng pagdinig ang Senado, mas mainam na ituon ito sa pagbuo ng mga hakbang at polisiya upang hindi na maulit ang kaparehong insidente sa loob ng institusyon.
Samantala, sinabi niyang dapat ipaubaya sa mga law enforcement agencies ang pagsisiyasat sa posibleng criminal liability ng mga taong sangkot sa pamamaril.













