-- ADVERTISEMENT --

Naging sentro ng usaping pangdepensa ang Tacloban City matapos iulat ang kauna-unahang aktwal na pagpapaputok ng isang Tomahawk cruise missile ng Estados Unidos sa ilalim ng Balikatan Exercise.

Ayon kay Dennis Hernandez, isinagawa ang test firing gamit ang Typhon Mid-Range Capability missile system bandang 12:12 ng madaling araw noong Martes. Mula Tacloban, tumawid ang Tomahawk land attack missile at tumama sa target area sa Laur dakong ala-1 ng madaling araw, sa layo na tinatayang nasa 630 kilometro.

Ayon sa ulat, isang missile lamang ang pinakawalan sa naturang operasyon bilang bahagi ng controlled training scenario. Ipinaliwanag ng mga opisyal na ang lokasyon sa Tacloban ay pinili dahil angkop ito para sa long-range launch testing, na may kakayahang umabot sa malalayong target sa loob ng bansa.

Ang naturang aktibidad ay bahagi ng mas malawak na simulation sa ilalim ng Joint Pacific Multinational Readiness Center (JPMRC), na isinama sa Balikatan exercises upang subukan ang koordinasyon ng pwersang Amerikano at Pilipino sa ground-based strike operations.

Sinabi rin ni Hernandez na ang naturang missile system ay dati nang naipapakita sa mga nakaraang drills ngunit ngayon lamang ito aktuwal na ginamit sa pagpapaputok habang patuloy pang pinag-aaralan ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines ang operational handling nito.