-- ADVERTISEMENT --

Nakapagtala ang Bureau of Customs (BOC) ng record-high na koleksiyon na ₱97.463 bilyon noong Oktubre 2026, na pinakamataas na buwanang revenue collection sa kasaysayan ng ahensya sa kabila ng pagbaba ng import volume.

Mas mataas ito ng ₱14.501 bilyon kumpara sa koleksiyon noong Oktubre 2025 at katumbas ng 99.42 porsiyento ng ₱98.028 bilyong revenue target para sa buwan.

Mula Enero hanggang Oktubre 2026, umabot naman sa ₱853.66 bilyon ang kabuuang koleksiyon ng BOC, na lumampas sa ₱846.52 bilyong target at nagtala rin ng pinakamataas na koleksiyon para sa unang sampung buwan ng taon.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, resulta ito ng mas mahigpit na monitoring sa koleksiyon, maayos na customs administration at dedikasyon ng mga kawani ng ahensya.

Samantala, kumpiyansa ang BOC na maaabot ang ₱1.011 trilyong revenue target bago matapos ang 2026. Kinakailangan pa nitong makalikom ng mahigit ₱157 bilyon sa natitirang dalawang buwan.

Ang koleksiyon ng ahensya ay ginagamit sa pagpopondo ng mga proyekto sa imprastraktura, serbisyong pangkalusugan at iba pang programa ng pamahalaan.