-- ADVERTISEMENT --

COTABATO CITY — Tatlong katao ang nasawi habang 15 iba pa ang sugatan matapos ang isang pamamaril sa harap ng Datu Usman Mampen Elementary School sa Barangay Bagua 2, Cotabato City, bandang 11:40 hanggang 11:55 ng gabi noong Setyembre 13, 2026.

Ayon sa paunang ulat ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), kabilang sa mga nasawi sina Caril Abdul Lumidsog, 43; Idar Kasan Andog, 88; at Bain Abdul Lumidsog, 48, pawang residente ng Cotabato City.

Samantala, 15 iba pa ang nagtamo ng tama ng bala at isinugod sa mga kalapit na ospital para sa kaukulang lunas.

Kabilang sa mga sugatan ang mga residente ng Cotabato City, North Cotabato, South Cotabato at Sultan Kudarat.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagtipon ang mga tao sa lugar at pumipila nang maaga sa entrada ng paaralan para sa September 14, 2026 BARMM Parliamentary Elections.

Nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang pagkakagitgitan ng ilang grupo, na sinundan ng pamamaril.

Bandang alas-12 ng madaling-araw noong Setyembre 14 nang matanggap ng Cotabato City Police Office ang ulat hinggil sa insidente. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 4, kasama ang iba pang police at security units.

Narekober sa crime scene ang mga basyo na pinaniniwalaang mula sa caliber .45 at 9mm na mga baril. Isinagawa rin ng Scene of the Crime Operations (SOCO) team ang pagproseso sa lugar, na natapos bandang alas-5:30 ng umaga.

Samantala, nagsagawa agad ng hot-pursuit operation ang pulisya laban sa mga suspek na tumakas mula sa lugar ngunit hindi pa natutunton ang mga ito.

Patuloy ding sinusuri ng mga imbestigador ang mga CCTV footage mula sa lugar ng insidente at mga karatig na lugar upang matukoy ang mga suspek at mabuo ang buong pangyayari.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.