-- ADVERTISEMENT --

Nakapagtala ang South Korea ng panibagong pinakamataas na temperatura sa kasaysayan matapos lumampas sa 41 degrees Celsius ang init sa gitna ng matinding heatwave na nararanasan sa bansa.

Ayon sa Korea Meteorological Administration (KMA), nalampasan na nito ang dating national record na 41.0 degrees Celsius na naitala noong 2018.

Tatlong magkasunod na araw nang umaabot sa higit 40 degrees Celsius ang temperatura sa Yangsan, isa sa mga lugar na labis na naapektuhan ng matinding init.

Dahil dito, itinaas ng KMA ang pinakamataas na antas ng heatwave warning sa ilang bahagi ng South Gyeongsang Province, habang nananatiling umiiral ang mga babala sa iba’t ibang bahagi ng South Korea.

Ipinaliwanag ng ahensya na dulot ang matinding init ng pagsabay ng North Pacific High at Tibetan High pressure systems, na nagkukulong sa mainit na hangin at pumipigil sa pagbuo ng mga ulap at pag-ulan.

Kasabay nito, patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang Typhoon Dolphin na posibleng makaapekto sa lagay ng panahon sa Korean Peninsula sa susunod na linggo. Gayunman, hindi pa tiyak kung makatutulong ito upang mabawasan ang nararanasang matinding init sa bansa.