Dumipensa si Senador Robin Padilla kay Senate acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kaugnay ng insidenteng pamamaril sa Senado noong Mayo 13, 2026.
Sa isang post sa Facebook, binigyang-diin ni Padilla na si Aplasca ang naging susi upang maiwasan ang mas malalang pangyayari at posibleng pagkakasugat o pagkawala ng buhay sa loob at labas ng Senado.
“Ang taong ito ang nagsagip sa mga buhay ng nasa loob at labas ng Senado,” ani Padilla.
Ayon sa senador, naging mahalaga ang pagpapaputok ng warning shot ni Aplasca kasama ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) upang mapanatili ang katahimikan at maipakita na hindi magkalaban ang magkabilang panig.
“Ang warning shot niya at ng NBI ang nagpakalma ng sitwasyon at nagpatunay na friendly forces sila pareho. Nagkulang lamang sa tamang koordinasyon at komunikasyon ang kanilang mga pinuno,” dagdag ni Padilla.
Binigyang-diin ng senador na hindi nanaig ang matinding emosyon o “combat high,” kaya nauwi sa mapayapang pagtatapos ang insidente. Nagpasalamat din siya na walang nasaktan sa pangyayari.
“Alhamdulillah, walang nasakripisyo na buhay sa kalitohan na ito,” ani Padilla.
Samantala, pinatawan ng Office of the Ombudsman si Aplasca ng anim na buwang preventive suspension nang walang sahod kaugnay ng insidente sa Senado, na may kaugnayan umano sa tangkang pag-aresto kay Senador Ronald dela Rosa dahil sa arrest warrant mula sa International Criminal Court.













