Inilahad ni state witness at dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa Sandiganbayan ang umano’y matagal nang sistema ng commitment fee at kickback sa mga proyekto ng ahensya, hindi lamang sa flood control.
Ayon kay Bernardo, maaaring umabot sa 30% ang commitment fee para sa mga proponent, na kinabibilangan umano ng mga mambabatas, contractor, ilang opisyal ng DBM, at mga lokal na opisyal.
Inamin din niyang nakatanggap siya ng porsyento mula sa ilang proyekto. Kabilang sa kaniyang mga pahayag ang 3% mula sa ₱1.8-bilyong proyektong iniugnay niya kay dating Senador Nancy Binay, 20% commitment fee para kay dating Senador Grace Poe, at 18% hanggang 25% para kay Senador Jinggoy Estrada. Itinanggi ng mga nabanggit ang pagkakasangkot sa umano’y kickback scheme.
Nilinaw naman ni Bernardo na hindi kailanman humingi si dating House Speaker Martin Romualdez ng proyekto sa kaniya, at hindi rin niya pinangalanan si Romualdez bilang proponent sa kaniyang mga affidavit.
Sinabi ni Bernardo na nakipagtulungan siya sa pamahalaan matapos sumiklab ang kontrobersiya sa flood control projects. Aniya, umiiral na ang paghahanap ng mga mambabatas ng proyektong popondohan ng DPWH noon pang 2002.













