-- ADVERTISEMENT --

Hindi maaaring pwersahin ng pamahalaang lungsod ng Koronadal ang kumpanyang Yellow Bus Lines, Inc. (YBL) na lumipat sa common terminal at iwan ang sarili nitong pribadong pasilidad.

Ito ang naging desisyon ng Supreme Court En Banc, sa panulat ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez, kung saan nagpalabas ang Mataas na Hukuman ng writ of injunction laban sa Koronadal City upang ipatigil ang pagharang at pag-reroute sa mga bus ng nasabing kumpanya.

Ayon sa Korte Suprema, ang pagpilit sa mga pampublikong sasakyan na lumipat sa City of Koronadal Integrated Transport Terminal Complex sa ilalim ng Ordinance No. 9, Series of 2018 ay tahasang paglabag sa property rights ng YBL na protektado sa ilalim ng Konstitusyon.

Binigyang-diin ng SC na bagamat may kapangyarihan ang isang lokal na pamahalaan (LGU) na magsaayos ng trapiko sa ilalim ng police power, labis at “excessive” ang naging pamamaraan ng lungsod. Nabigo rin ang LGU na patunayang ang pagbabawal sa mga pribadong terminal ang tanging solusyon para maibsan ang sikip ng trapiko at polusyon sa sentro ng komersyo.

Una nang idinaing ng YBL sa kanilang reklamo na dahil sa pagpapatupad ng ordinansa, mahigit isang milyong piso na umano ang kanilang nailabas para sa mga terminal fee, bukod pa sa paghaba ng travel time ng kanilang mga pasahero ng karagdagang 20 hanggang 25 minuto dahil sa nagbagong ruta.

Dahil sa utos ng Korte Suprema, mananatiling legal ang paggamit ng YBL sa sarili nitong terminal at hindi sila maaaring pigilan o obligahin ng mga otoridad na gumamit ng common terminal ng lungsod.